Nakakabadtrip

Nobyembre 30, 2008

Wala lang ikukuwento ko lang yung nangyari isang araw. Nagcocommute kasi ako araw-araw kaya syempre nakakasalubong at nakakaharap ko ang iba’t-ibang uri ng mga tao sa bawat araw na pumapasok ako sa eskwelahan. May mga nakakasakay akong mga tindero. Yung iba naman mga kapwa ko estudyante. Karamihan sa mga nakakasabay ko naman eh mga nagtratrabaho lalung-lalo na yung mga nag-oopisina na laging bumababa sa MRT station na dinadaanan ng mga bus na lagi kong sinasakyan.

Maiba tayo ng usapan. Nabadtrip kasi ako nung isang araw kasi sa sinasakyan kong jeep eh may sumakay na isang grupo ng estudyante. Di ko na mabilang kung ilan sila, siguro mga lima o anim ewan ko, wala na kong pakialam kasi medyo pagod na ako at gusto nang umuwi para humiga at masandal ang napapagod kong likod. Pero lalo kong napansin yung grupo ng mga estudyanteng yun nang marinig ko yung usapan nila. Saka ko lang napansin mga college student pala yung mga  nakasakay ko at mga taga-kolehiyong sikat sa Metro-Manila. At eto ang kuwento. May kasama kasi silang bading na siyang pinakamaingay sa lahat. Todo-postura pa talaga sya at panay labas ng mamahalin niyang cellphone. Tapos nagsimula na ang usapan. Sabi ng isang babae sa kanila “Are you guys watching Twilight ba?, kasi I might get bored lalo na pag wala si mommy sa bahay, saturday nood tayo”. Nagpanting na agad ang tenga ko sa sobrang buwisit na halos gusto ko nang pilipitin yung mga leeg nila. Akala ko pa naman na sa paglabas ko ng school namin eh makakawala na ako sa sumpa ng mga conio na yan. Eh pati pala PUV gaya ng jeep eh gagawin na rin nilang teritoryo ngayon. Bakit nga ba ako galit sa kanila? E kasi naman ang sakit sa tenga nang mga pinagsasasalita nila lalo na pinaghalu-halo na ang English, Filipino at Gay Lingo. Tapos kung magkuwentuhan pa eh kung magsalita na lang ng mga salitang iskwater, tambay, etc. e ganun ganun na lang. Tsaka parang nakakainsulto sa masa, sa taong bayan na parang bawat salita nila eh tinatago pa. Nakakabadtrip talaga! Ewan ko nga ba kung bakit iba ang dating sa’kin ng mga coniong yan. Parang may bitbit silang angas na di nila maiwan-iwan.

 Naaalala ko yung sinabi sa’kin ng kaibigan ko. kasi kumain kami sa isang restaurant. Kasi medyo buffet style yung kainan kaya nung nagrequest sya sa’kin na ikuha ko pa sya nung pagkaing gusto niya eto sinabi niya sa’kin. Para di ka mapahiya; “Inglesin mo yung waiter o kung sino man yung nagseserve. Kasi kapag Tagalog, tunog ordinaryo at kapag Ingles naman eh medyo may “class”. Kung ordinaryo kasi iisipin nila na abusado ka at kung “classy” naman eh parang wala lang, eh paano sila magrereklamo kung mukhang mayaman ka at kayang mansupalpal ng pera kapag di mo napagbigyan”. Ewan ko kung saan niya nakuha yun. Baka nakaexperience na siya ng ganun. Ewan ko. Pero para sa’kin eh di naman dapat makompromiso ang tingin sa’yo ng tao kung sino ka dahil lang sa estado mo sa buhay. Basta’t marunong kang makisama at umayos o lumagay sa kung anong nararapat ang siyang maging basehan.

Intro..part 2

Nobyembre 29, 2008

Siyempre una sa lahat eh magpapakilala muna ako. Ako po si Jess Christian D. Ramirez isang mag-aaral sa Philippine Science High School at sa kasalukuya’y nasa ikatlong taon. Nais kong magpakilala ng pormal syempre naman at dahil sa mga tagasubaybay kayo ng blog kong ito eh malakas kayo sa’kin. Ayoko naman na pinagtataguan ko kayo kung anong tunay kong pagkatao. Di gaya ng ibang bloggers dyan na gumagamit-gamit ng pseudonyms at ano pang kalokohan. Ang gusto ko lang naman eh tapat na pagkukuwento yung parang sa barkada sa barkada pwera na lang kung di mo kilala mga kabarkada mo….Tsaka wala naman akong ginagawa o gagawin sa blog ko na ayaw kong harapin ang kaukulang responsibiidad…Di naman ako nag-aanunsyo ng sugalan dito o nagpopost ng porn kaya wala akong dapat itago.

Nga pala, mabalik tayo sa buhay ko….Naaalala ko yung isang pelikulang napanood ko…Di ko na maalala yung title pero may quote sya dun na parang ganito:” Kung sino ka sa high school eh kung sino ka sa buong buhay mo”. Labis akong nakakarelate dun sa quotation na yun. Pero maikuwento ko muna kung bakit. Kasi bago ako mapasok ng Phi Sci eh nag-enroll muna ko sa Manila Science High School. Actually, malapit lang yun sa’min. Lalabas ka lang ng looban tapos sasakay ka ng LRT papuntang U.N. Avenue or Pedro Gil. Kasi nagsimula yung klase namin ng June 5, 2006. Tapos ang saya saya ko. Siyempre galing sa elementary tapos biglang nag-High School sa isang prestihiyososng eskwelahan sa Maynila, ang taas ng ere ko nun. Nag-enjoy naman ako. Birthday ko kasi eh June 18, pero unfortunately or should I say fortunatey kasi di ko na kinailangang manlibre at Linggo naman ang b-day ko.Tapos nung kinabukasan June 19, tumawag sa bahay ang Phi Sci sabi eh inaaccept daw ako as scholar. Syempre nagtatalo kalooban ko dahil gusto ko ang Phi Sci. Pero nasa MaSci na ko at relatively masaya na rin naman. pero ewan ko nga ba at bakit ko natripang pumasok sa PhiSci? Samantalang ang puso ko eh nasa Masci parin hanggang sa ngayon. Siguro yung iba sa inyo eh di makakarelate kung bakit. Kung ikukumpara naman, eh mas malaki ang PhiSci at kumpleto sa gamit kumpara sa MaSci pero may mga dahilan kung bakit ang puso ko eh nandodoon pa rin at sa bawat sakay ko ng LRT eh parang ayokong tumingin. Kahit masilip lang ang eskwelahang yun eh di ko halos magawa. Siyempre bibitinin ko muna at magpapahinga muna ko para sa susunod eh mas masarap ang kuwentuhan natin di ba???!!!…

Ang Pinakauna kong Post

Nobyembre 29, 2008

Nakakatuwa talaga at nagawa ko na itong blog na ito. Ewan ko nga ba kung bakit sa lahat ng mga blog na nagawa ko na, eto ang pinakaespesyal. Siguro kasi nagtagalog ako at di na pinilit na mag-“nose bleed” English at baka siguro di ko na makayanan sa sobrang kabadtripan. Ngayon ko lang naisip kung bakit palpak lagi ang mga blog kong yun. Siguro kasi di ako sana sa ganoong pamamaraan kaya laging kulelat yung blog ko sa hits. Nakakatuwa lang talaga at ngayon malaya na ako sa pag-eexpress ng sarili ko at di na bubuklat pa ng eng-tag dictionary para lang makagawa ng blog entry.

Kung sa bagay para saan ba ang blog? Di ba nga para masabi mo raw ang gusto mong masabi pero kung di ka naman sanay eh balewala rin. Hahaha, di naman sa kinukondena ko na yung mga nag-eenglish sa blog nila eh pakialam ko ba kung trip nilang mag-english basta wala na lang pakialaman. Kung trip ko eh tagalog , tutal , mga Pinoy din naman ang bumabasa nito eh di magtatagalog na lang ako. Para sa’kin kasi parang insulto naman sa mga kababayan nating di bihasa sa Ingles na magbasa ng bog sa Ingles. Kaya sana naman tumaas na hits ng blog ko. Syempre dadagdag na yung mga tunay na “masa” dun. Hehehe.

Tsaka dito ko rin ishashare sa inyong lahat at sa buong mundo ang lahat ng mga kadramahan ko sa buhay. Para lahat naman tayo eh makapag-open up at alam ko rin naman na tayong mga kabataan eh halos pare-pareho lang ng pinagdadaanan at sinu-sino pa ba ang magtutulungan kundi tayo rin. tama….tama….

Pinapagpaalam ko na sa inyo na sa pagbukas ng blog kong ito. Sa pagbubukas ng jcdramirez.wordpress.com  maraming kuwento ang matatalakay na kung sa atin atin lang eh di natin mapag-usapan. Paano ko ba sasabihin to…ahhhh…Ipapahintulot ninyo po o mas maganda yata ang pasintabi po sa lahat. Nagkukuwento lamang po ako at walang direktang pinatatamaan…pwera na lang kung guilty ka…Batu-bato sa langit ang tamaan wag magagalit…wag na ring magreklamo kung masakit…Maraming Salamat po at Mabuhay tayong lahat…